Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” (Juan 21:17)
Unang Pagbasa: Gawa 5:27-32.40-41
Noong mga araw na iyon: Ang mga Apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. “Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan,” wika niya, “ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!”
Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayon, sila’y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito – kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya.”
Pagkatapos pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus ang mga apostol, sila’y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila’y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus.
Salmo: Awit 29
Tugon: Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak!
O Panginoon ko, sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Purihin ang Poon, siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Kaya’t ako’y dinggin, ikaw ay mahabag sa akin,
O Poon, ako ay pakinggan, mahabag ka, Poon!
Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Ikalawang Pagbasa: Pahayag 5:11-14
Akong si Juan ay tuminging muli at narinig ko ang tinig ng libu-libo’t laksa-laksang anghel. Sila’y nakapaligid sa trono, sa apat na nilalang na buhay, at sa matatanda. Umaawit sila ng ganito: “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, at kalakasan, papuri, paggalang at pagdakila!”
At narinig kong nag-aawitan ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa, at nasa dagat – lahat ng nilikha sa buong sanlibutan:
“Sa kanya na nakaluklok sa trono, at sa Kordero,
Sumakanila ang kapurihan at karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, magpakailanman!”
Tumugon ang apat na nilalang na buhay: “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at nagsisamba.
Mabuting Balita: Juan 21:1-19
Noong panahong iyon: Muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias.Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila.
“Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus,“Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang.
Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit ganoon karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon.
Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda. Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Pagkakain nila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”