Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya. (Mateo 19:22)
|
|
|
|
|
|
|
18 Agosto 2019
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana’y napagningas na ito!” (Lucas 12:49)
San Ezequiel Moreno at San Juan Eudes |
Pagbasa: Hukom 2:11-19; Salmo: Awit 106:34-44;
Mabuting Balita: Mateo 19:16-22
16 Nang oras ding iyon, lumapit sa kanya ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, 19 igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”
20 At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” 21 At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”
22 Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
San Bernardo de Claraval |
Pagbasa: Hukom 6:11-24; Salmo: Awit 85:9-14;
Mabuting Balita: Mateo 19:23-30
23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. 24 Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.”
25 Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” 26 Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.”
27 Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?”
28 Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. 29 At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. 30 May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
San Pio X |
Pagbasa: Hukom 9:6-15; Salmo: Awit 21:2-7;
Mabuting Balita: Mateo 20:1-16
1 Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. 2 Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan.
3 Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. 4 Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
5 Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. 6 Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’
8 Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ 9 Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). 10 Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. 11Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari.
12 Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ 13Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? 14 Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’
16 Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagkareyna ni Mahal na Birheng Maria |
Pagbasa: Hukom 11:29-39; Salmo: Awit 40:5-10;
Mabuting Balita: Mateo 22:1-14
1 Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga:
2 “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ 5 Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. 6 Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
7 Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. 8 At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’
10 Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
11 Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. 12 Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Sta. Rosa de Lima |
Pagbasa: Ruth 1:1-22; Salmo: Awit 146:5-10;
Mabuting Balita: Mateo 22:34-40
34 Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. 35 Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: 36 “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?”
37 Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. 38 Ito ang una at pinakamahalagang utos. 39 Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
San Bartolome, Apostol |
Pagbasa: Pahayag 21:9-14; Salmo: Awit 145:10-18;
Mabuting Balita: Juan 1:45-51
45 Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”
46 Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.”
47 Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” 48 Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
49 Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” 50 Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
51 At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
|
|
|
|
|
|
|