Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” (Lucas 1:28)
06 Oktubre 2019
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’” (Lucas 17:10)
Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo |
Pagbasa: Gawa 1:12-14; Salmo: Judit 13:18-20;
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38
26 Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. 27 Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
28 Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” 29 Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
30 At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. 31 At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. 33 Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
34 Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” 35 At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. 36 At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. 37 Wala ngang imposible sa Diyos.”
38 Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagbasa: Jonas 3:1-10; Salmo: Awit 130:1-8;
Mabuting Balita: Lucas 10:38-42
38 Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. 39 May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. 40 Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.”
41 Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; 42 isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
San Dionisio at mga Kasama at San Juan Leonardi |
Pagbasa: Jonas 4:1-11; Salmo: Awit 86:3-10;
Mabuting Balita: Lucas 11:1-4
1 Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” 2 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
Ama, sambahin ang ngalan mo,
dumating ang kaharian mo,
3 bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin,
4 patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagbasa: Malakias 3:13-20; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 11:5-13
5 Sinabi rin sa kanila ni Jesus: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay 6 dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ 7 At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.
9 Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. 10 Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
11 Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? 12 Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? 13 Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
San Juan XXIII |
Pagbasa: Joel 1:13–2:2; Salmo: Awit 9:2-9;
Mabuting Balita: Lucas 11:15-26
15 Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 16 Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
17 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. 18 Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? 19 Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
20 Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 21 Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. 22 Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.
23Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
24 Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ 25 Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. 26 Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”
Pagbasa: Joel 4:12-21; Salmo: Awit 97:1-12;
Mabuting Balita: Lucas 11:27-28
27 Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” 28 Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
|
|
|
|
|
|
|