01 - 07 Disyembre 2019



Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. (Mateo 15:31)

01 Dis
02 Dis
03 Dis
04 Dis
05 Dis
06 Dis
07 Dis


01 Disyembre 2019
Unang Linggo ng Adbiyento

(I-click ang larawan)

“Kaya magbantay kayo, sapagka’t hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42)


02 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 4:2-6; Salmo: Awit 122:1-9;
Mabuting Balita: Mateo 8:5-11

5 Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: 6 “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” 7 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”

8 Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. 9 May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”

10 Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. 12 At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”


San Francisco Javier
03 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 11:1-10; Salmo: Awit 72:1-17;
Mabuting Balita: Lucas 10:21-24

21 Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim  mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. 22 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
23 Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”


San Juan Damasceno
04 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 25:6-10; Salmo: Awit 23:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 15:29-37

29 Umalis doon si Jesus at pumunta sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. 30 Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at  pinagaling niya sila. 31 Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito, at kaunting maliliit na isda.”

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, 36 kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao.

37 Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong punong bayong. 


05 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 26:1-6; Salmo: Awit 118:1-27;
Mabuting Balita: Mateo 7:21-27

21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. 22 Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ 

24 Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. 25 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. 26 At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. 27 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!


San Nicolas
06 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 29:17-24; Salmo: Awit 27:1-14;
Mabuting Balita: Mateo 9:27-31

27 Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” 28 Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!”

29 Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” 30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” 31 Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan. 


San Ambrosio
07 Disyembre 2019
Pagbasa: Isaias 30:19-26; Salmo: Awit 147:1-6 ;
Mabuting Balita: Mateo 9:35–10:8

35 At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. 37 At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. 38 Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

1 Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming  espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. 
2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; 3 sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; 4 si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

5 Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. 6 Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
7 Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ 8 Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. 

01 Dis
02 Dis
03 Dis
04 Dis
05 Dis
06 Dis
07 Dis

Mga kasulyap-sulyap ngayon: