Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon - 10 Nobyembre 2019



“Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay.” (Lucas 20:36)

Unang Pagbasa: Macabeo 7:1–2.9–14

Noong mga araw na iyon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila’y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Diyos. Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang inyong ibig mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming ninuno!”

Bago namatay, sinabi ng ikalawang anak nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.” 

Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya’y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.” Pati ang hari at mga tauhan niya’y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila. 

Namatay din ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”

Salmo: Awit 16

Tugon: Paggising ko, Poong sinta, 
            sa piling mo’y magsasaya.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
 Poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan; 
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman, 
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan. 

Palagi kong sinusundan ang landas mong itinakda, 
hindi ako lumilihis sa kanan man o kaliwa. 
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig, 
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik. 

Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ’yong pag-iingat, 
gayon ako ingatan mo sa lilim ng iyong pakpak. 
Yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas 
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak. 

Ikalawang Pagbasa: Tesalonica 2:16–3:5

Mga kapatid, aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang inyong maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti. 

Sa wakas, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap sa lahat ng dako at dakilain ng lahat tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyo na maligtas kami sa mga buktot at masasamang tao; sapagkat hindi lahat ay naniniwala sa salita ng Diyos. 

Tapat ang Panginoon. Bibigyan niya kayo ng lakas at ililigtas sa Diyablo. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga sinabi namin sa inyo. 

Akayin nawa kayo ng Panginoon tungo sa pag-ibig sa Diyos at sa pananatili kay Kristo. 

Mabuting Balita: Lucas 20:27–38

Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo’y hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila, “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’

May pitong magkakapatid na lalaki. Nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang napangasawa niya silang lahat?” 

Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punong-kahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay—sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: