Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon - 17 Nobyembre 2019



“Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”” (Lucas 21:19)


Unang Pagbasa: Malakias 3:19–20a

“Tandaan ninyo, darating ang araw na lilipulin ko ang mga palalo at masasama. Sa araw na yaon, matutupok silang gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Ngunit kayo na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyo, gaya ng sinag ng araw.”

Salmo: Awit 97

Tugon: Poong Hukom ay darating, 
             taglay katarungan natin.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog, 
ang Panginoo’y purihin ng tugtuging maalindog. 
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli, 
magbunyi tayo sa harap ng Panginoong s’yang Hari. 

Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy, 
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon. 
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman; 
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan. 

Sa harap ng Panginoon masaya tayong umawit, 
pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig. 

Panginoo’y s’yang huhukom, tanan sa kanya’y lalapit, 
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.’

Ikalawang Pagbasa: Tesalonica 3:7–12

Mga kapatid, alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami nahiyang magtrabaho nang kami’y nariyan pa. Hindi kami tumanggap ng anumang bagay kaninuman nang hindi namin binabayaran. Nagpagal kami araw-gabi upang hindi maging pasanin ng sinuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatang maghintay ng inyong tulong kundi upang kayo’y bigyan ng halimbawang dapat sundan. Nang kasama pa ninyo kami, ito ang tagubiling ibinigay namin sa inyo: “Huwag ninyong pakanin ang sinumang ayaw gumawa.” 

Binanggit namin ito sapagkat nabalitaan naming may ilan sa inyo na ayaw magtrabaho at walang inaatupag kundi manghimasok sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, mahigpit naming ipinagtatagubilin sa mga taong ito na sila’y maghanapbuhay at mamuhay nang maayos.

Mabuting Balita: Lucas 21:5–19

Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilan sa mga tao ang templo—ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.” 

Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?” Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesiyas!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.

“Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: