At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo. (Mateo 1:16)
Noong mga araw na iyon, tinawag ni Jacob ang mga anak niya at kanyang sinabi: “Kayo mga anak, magsilapit sa akin, akong inyong ama ay sumandaling dinggin. Ikaw, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng Ina mong mahal, hawak mo sa leeg ang iyong kaaway, lahat mong kapatid sa iyo’y gagalang. Mabangis na leon, ang iyong larawan, muling nagkukubli matapos pumatay; ang tulad ni Juda’y leong nahihimlay, walang mangangahas lumapit sinuman. Hawak niya’y setrong tuon sa paanan, sagisag ng lakas at kapangyarihan; ito’y tataglayin hanggang sa dumatal ang tunay na Haring dito’y magtatangan.”
Salmo: Awit 71
Tugon: Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman!
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ’yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya’y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap
at ang mga taong wala’y pag-ukulan ng paglingap.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitong araw;
nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
Mabuting Balita: Mateo 1:1-17
Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Samakatuwid, labing-apat ang salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.