“Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.” (Mateo 11:5)
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang ay muling sasaya, mananariwa at mamumulaklak ang ilang. Ang dating ilang ay aawit sa tuwa, ito’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron. Mamamasdan ng lahat ang kaningningan at kapangyarihan ng Panginoon. Inyong palakasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay. Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, laksan mo ang iyong loob. Darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.” Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi. Katulad ng usa, ang pilay ay lulundag. Aawit sa galak ang mga pipi. Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem, masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.
Salmo: Awit 145
Tugon: Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos!
Pinalaya niya ang mga nabihag.
Isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan.
Tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Ikalawang Pagbasa: Santiago 5:7-10
Kaya nga’t magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang bunga ng kanyang bukirin, at ang pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
Mabuting Balita: Mateo 11:2-11
Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuotan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’
Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya.”