Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon - 05 Enero 2020



Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.  (Mateo 2:11)


Unang Pagbasa: Isaias 60:1-6

Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag na tulad ng araw. 

Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon. Mababalot ng dilim ang ibang mga bansa; ngunit ikaw ay liliwanagan ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kaningningan. Sa ningning ng iyong taglay na liwanag, yaong mga bansa, sampu ng mga hari’y lalapit na kusa. 

Tumingin ka sa paligid at tingnan mo ang nagaganap. Ang mga anak mo’y nagtitipon na upang umuwi. Ang mga lalaki’y magmumula sa malayo, ang mga babae’y kargang tila mga bata. Ang tanawing ito kung iyong mamalas, ikaw ay sisigla, sa iyong damdami’y pawang kagalakan yaong madarama; pagka’t ang yaman niyong karagata’y iyong matatamo, at ang kayamanan ng maraming bansa ay makakamtan mo. Maraming pangkat na nakasakay sa kamelyo ang darating mula sa Madian at Efa. At sa Seba nama’y darating silang may taglay na mga ginto at kamanyang. Ihahayag ng mga tao ang magandang balita tungkol sa ginawa ng Diyos.

Salmo: Awit 71

Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo 
            tanang bansa nitong mundo!

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran, 
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan; 
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan, 
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay. 

Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan, 
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay. 
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak, 
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat. 

Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, 
maghahandog ng kaloob, ihahain din sa kanya 
pati yaong mga hari ng Arabia at Etiopia, 
may mga kaloob ding taglay nilang alaala. 
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya, 
mga bansa’y magpupuri’t maglilingkod sa tuwina. 

Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag, 
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap; 
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag, 
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas. 

Ikalawang Pagbasa: Efeso 3:2-3.5-6

Mga kapatid: Marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. Ang hiwagang ito’y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.

Mabuting Balita: Mateo 2:1-12

Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.” 

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayon din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta: 

‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’ ” 

Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako ma’y makasamba sa kanya.” 

At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayon na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira. 

Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: