“Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Unang Pagbasa: Isaias 42:1-4.6-7
Sinabi ng Panginoon: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at sa mga bansa ay siya ang magpapairal ng katarungan. Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita, ni hindi magtataas ng kanyang tinig. Ang marupok na tambo’y hindi babaliin, ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin, at ang katarungan ang paiiralin. Di siya mawawalan ng pag-asa ni masisiraan ng loob. Paghahariin niya ang katarungan sa daigdig. Ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.
Akong Panginoon, tumawag sa iyo, binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig. Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng pakikipagtipan sa lahat ng tao at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa. Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”
Salmo: Awit 28
Tugon: Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal!
Purihin ang Panginoon ninyong banal na nilalang,
pagka’t siya ay dakila’t marangal ang kanyang ngalan.
Ang Poon ay dakilain, purihin ang Diyos na Banal,
yumuko ang bawa’t isa kapag siya ay dumatal.
Sa gitna ng karagatan, tinig niya’y naririnig.
Sa laot ng karagata’y hindi ito nalilingid.
Pag nangusap na ang Poon, tinig niya’y ubod-lakas,
nguni’t tinig kamahalan, kapag siya’y nangungusap.
Ang tinig ng dakilang Diyos, parang kulog na malakas,
kaya’t mga nasa templo’y sumisigaw, nagagalak,
“Panginoo’y papurihan!” ganito ang binibigkas.
Siya rin ang naghahari sa dagat na kalaliman,
namumuno siya roon bilang hari, walang hanggan.
Ikalawang Pagbasa: Gawa 10:34-38
Noong mga araw na iyon, nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Sa kanila niya ipinahayag ang Mabuting Balita tungkol sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Hesukristo. Nguni’t siya’y Panginoon ng lahat! Alam ninyo ang nangyari sa buong Judea na nagsimula sa Galilea nang mangaral si Juan tungkol sa binyag. Ang sinasabi ko’y tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagka’t sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo.”
Mabuting Balita: Mateo 3:13-17
Noong panahong iyon, si Hesus ay dumating sa Jordan mula sa Galilea at lumapit kay Juan upang pabinyag. Sinansala siya ni Juan na ang wika, "Ako po ang dapat binyagan ninyo, at kayo pa ang lumalapit sa akin!"
Ngunit tinugon siya ni Hesus, "Hayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos." At pumayag si Juan.
Nang mabinyagan si Hesus, umahon siya sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos, bumababa sa kanya, gaya ng isang kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!"