“Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit.” (Mateo 5:44-45)
Unang Pagbasa: Levitico 19:1-2.17-18
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong Panginoon ay banal.
Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, pangangaralan mo siya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kasamahan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ako ang Panginoon.’ ”
Salmo: Awit 102
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob!
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal, purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
at ano mang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansiya,
gayunggayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:16-23
Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nagaakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayon din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.
Mabuting Balita: Mateo 5:38-48
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.
Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”