Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon - 30 Agosto 2020

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." (Mateo 16:24)

Unang Pagbasa: Jeremias 20:7-9

Panginoon, ako’y iyong hinikayat, at sumunod naman  ako. Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi. Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin. Tuwing ako’y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!” Pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita. Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan,” para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.

Salmo: Awit 62

Tugon: Aking kinasasabikan, 
            Panginoon, ikaw lamang!

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap. 
Ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad; 
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. 

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal, 
Ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan. 
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay, 
kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang paguukulan.

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat, 
at ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas. 
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan, 
magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit, 
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit. 
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak, 
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.  

Ikalawang Pagbasa: Roma 12:1-2

Mga kapatid: Alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugudlugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos – kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.

Mabuting Balita: Mateo 16:21-27

Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. 

Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. 

Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?Sapagkat darating ang anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: