‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya.’ (Lucas 19:26)
Pagbasa: Pahayag 4:1-11; Salmo: Awit 150:1-6;Mabuting Balita: Lucas 19:11-28
11 Malapit na ngayon si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Jesus. 12 Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. 13 Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’
14 Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’
15 Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Humarap ang una at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto.’
17 Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ 18 Dumating ang ikalawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ 19 Sinabi nito sa kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. 21 Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’
22 Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang di ko idineposito at inaani ang di ko inihasik, 23 bakit di mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon: ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ 25 Sumagot sila: ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’
26 ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. 27 Ngunit dalhin ninyo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko’.”
28 Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.