Daily Gospel - 29 Disyembre 2020


“Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.” (Lucas 2:34-35)
Sto. Tomas Becket
Pagbasa: 1 Juan 2:3-11; Salmo: Awit 96:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 2:22-35

22 Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – 23 tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. 24 Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.

25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:

29 “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon,
nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika;
30 pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas
31 na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa,
32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano 
at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”

33 Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. 35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: