Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon - 14 Pebrero 2021



Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. (Marcos 1:41-42)

Unang Pagbasa: Levitico 13:1-2. 44-46

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kung ang balat ninuman ay magbago ng kulay, mamaga o kaya’y magkaroon ng singaw na parang ketong, dadalhin siya kay Aaron o sa mga anak niyang saserdote. Ituturing siyang marumi at di ito dapat kaligtaang ipahayag ng saserdote.

Ang may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng ‘Marumi! Marumi!’ Hanggang may sugat, siya’y ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa.”

Salmo:  Awit 32:1-2. 5. 11

Tugon: Sa ‘yong tulong at pagtubos
           ako’y binigyan mong lugod!

Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan, 
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang. 
Mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan 
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang. 

Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin, 
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim. 
Pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing, 
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin. 

Lahat ng matuwid at tapat sa Poon, magalak na lubos, 
dahil sa natamo nilang kabutihang kaloob ng Diyos. 
Sumigaw sa galak ang lahat ng taong sa kanya’y sumunod!

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 10: 31-11:1

Mga kapatid:

Kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman – ng mga Judio, ng mga Griego, o mga kaanib sa Simbahan ng Diyos. Ang sinisikap ko nama’y mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko; hindi ko hinahanap ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.

Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Kristo.

Mabuting Balita: Marcos 1:40-45

Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao.

Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.”

Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupa’t hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: