Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. (Marcos 16:19)
Unang Pagbasa: Gawa 1:1-11
Mahal na Teofilo: Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang mga apostol na kanyang hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos.
At samantalang siya’y kasamasama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”
Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”
Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap. Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Salmo: Awit: 47:2-3. 6-7. 8-9
Tugon: Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog!
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa!
Bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan.
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Ikalawang Pagbasa: Efeso 1:17-23
Mga kapatid:
Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya.
Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumupuspos sa lahat-lahat.
Mabuting Balita: Marcos 16:15-20
Noong panahong iyon: Napakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan.
Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano, dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.”
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa
ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.