Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay - 09 Mayo 2021

 Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” (Juan 15:17)

Unang Pagbasa: Gawa 10:25-26. 34-35. 44-48

Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo.

Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”

Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos.

Kaya’t sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?” At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ng ilang araw. 

Salmo: Awit 98:1. 2-3. 3-4

Tugon: Panginoong nagliligtas sa
             tanang bansa’y nahayag!

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay, 
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan, 
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag, 
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel, lubos niyang tinutupad.

Tapat siya sa kanila at ang pagibig ay wagas. 
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig; 
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit! 

Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 4:7-10

Mga pinakamamahal: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pagibig.

Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.

Mabuting Balita: Juan 15:9-17

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:“Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig.

Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig. Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo.

Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.

Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo.

Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: