15 Agosto 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Okay, unahan ko na po kayo. Magiging asyumero po ako sa post na ito. Alam ko pong marami sa mga kapatid natin sa ibang sekta ang magtataas ng kilay sa Kapistahang ipinagdiriwang natin sa Linggong ito; ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria.
Sasabihin nilang wala sa bible ang katuruang ito ng Simbahang Katoliko. Magpapatutsada pa silang masyado nating itinataas o gino-glorify ang ating Mahal na Inang si Mama Mary.
Bago ninyo itaas ang inyong kilay, basa muna.
Unang punto, hindi lang ang Mahal Birheng Maria ang mababasa nating itinaas sa langit. At least dalawa sa lumang tipan ang alam natin; una si Enoch, "umabot siya nang 365 taon, at sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos" (Genesis 5:23-24); ikalawa si Elias na habang kausap ang anak na si Eliseo, "walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo."
(Ang ikatlo sana sa listahang ito ay si Moises, na ipinakipaglaban pa ni San Miguel Arkanghel ang bangkay sa diyablo (Judas1:9) subalit marami pang diskuyon kung isasama natin siya sa maikling listahang ito ng mga iniakyat sa langit. At suporta sa pag-aakyat sa langit kay Moises ang paglitaw niya sa tabi ni Hesus kasama si Elias sa transfiguration.)
At kumpara sa mga taong iniakyat sa langit, hindi pahuhuli sa kadakilaan ang ating Mahal na Ina. Masasabi nating higit siyang karapat-dapat sa karangalang iakyat sa langit upang makasama ang kanyang Anak na si Hesus.
Ikalawang punto, matatagpuan sa bible ang ukol sa katuruang ito. Katunayan, ito ay nakabatay sa isang paglalarawang matatagpuan sa Aklat ng Pahayag.
Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan; isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan: ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. (Pahayag 12:1)
Kung basahin natin ang kabuuan ng chapter 12, makikita natin ang higit pang paglalarawan.
Liban sa mga ito, dapat din nating tandaan ang mga matututunan natin sa kapistahang ito. Kung paanong si Maria, itinuring na isang ordinaryong babae ng kanyang panahon, ay lubos na kalugdan ng Diyos at maging bukod na pinagpala sa babaeng lahat.
Sa kapakumbabaan ng ating Mahal na Ina, masasalamin ang mga Salita ng ating Panginoon, "sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.” (Lucas 14:11)
Sa kanyang pagiging masunurin, masasalamin ang kanyang pagtitiwala at pananampalataya sa plano ng Diyos. Parang muli nating naririnig “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” (Lucas 1:38)
At naging katotohanan ang awit ni Birheng Maria, "ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi, dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan."
Patuloy nawang maging huwaran natin ang ating Mahal na Ina sa ating pagiging mabuting Katoliko. Katulad niya, makapiling din sana natin ang Diyos sa huling araw.
Panalangin:
O aming Ama, Panginoon namin at Diyos, patuloy at palagian Ka po naming sinasamba at dinadakila. Patuloy po naming ihinihingi ng kapatawaran ang aming mga pagkukulang.
Sa aming pagtulad sa aming Mahal na Inang si Maria, buong pagpapakumbaba po kaming umaasa sa Inyong pagpapala. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tulungan Mo po kaming sumunod sa Iyong kalooban.
Sa kabila ng mga kaganapan sa aming mundo ngayon, kami ay mga alipin Mong handang sumunod sa Inyong mga plano. Ang aming buhay at buong pagkatao ay inihahabilin namin sa Inyong mga kamay. Gabayan po Ninyo kami.
Ang lahat ng ito sa panalangin ng Mahal na Birheng Mariang iniakyat sa langit.
Sa pangalan ni Hesus na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, ngayon at magpakailanman. Amen.