“Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” (Lucas 5:34-35)
San Gregorio Magno |
Pagbasa: 1 Corinto 4:1-5; Salmo: Awit 37:3-40;
Mabuting Balita: Lucas 5:33-3933 Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” 34 Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? 35 Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. 37 At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. 38 Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. 39 Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”