“Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” (Mateo 1:23)
Kaarawan ni Mahal na Birheng Maria |
Mabuting Balita: Mateo 1:1-23
1 Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. 2 Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. 3 Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. 4 Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. 5 Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. 6 Si Jese ang ama ni David na hari.
Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. 7 Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, 8 Yosafat, Yoram, Ocias, 9 Yoatan, Ahaz, Ezekias, 10 Manases, Amon at Yosias. 11 Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia.
12 Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. 13 Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. 14 Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. 15 Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob.
16 Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
17 Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
18 Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
19 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
20 Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, 21 at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: 23 “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.”