Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo - 21 Nobyembre 2021

 Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo



“Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” (Juan 18:37)

Unang Pagbasa: Daniel 7:13-14

Samantalang ako’y namamahinga sa gabi, patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos at hindi babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Salmo: Awit 93:1. 1-2. 5

Tugon: Panginoo’y naghari na! 
           Ang damit n’ya’y maharlika!

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan 
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan, 
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw. 
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una. 
Bago pa ang ano pa man, likas ikaw’y naroon na. 

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo, 
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.  

Ikalawang Pagbasa: Pahayag 1:5-8

Si Hesukristo ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang maglingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo! Darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen. 

“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.

Mabuting Balita: Juan 18:33-37

Noong panahong iyon, itinanong ni Pilato kay Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 

Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: