Unang Linggo ng Adbiyento - 28 Nobyembre 2021



Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo. (Lucas 21:28)

Unang Pagbasa: Jeremias 33:14-16

Sinabi pa ng Panginoon, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. 

Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga tagaJerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: ‘Ang Panginoon ang ating katwiran.’ ”

Salmo: Awit 25:4-5, 8-9, 10.14

Tugon: Sa’yo ako’y tumatawag, 
           Poong D’yos na nagliligtas!

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, 
ituro mo sana sa aba mong lingkod; 
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan; 
tagapagligtas ko na inaasahan. 

Mabuti ang Poon at makatarungan, 
sa mga salari’y guro at patnubay; 
sa mababang-loob siya yaong gabay, 
nagtuturo ng kanyang kalooban. 

Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay 
sa tumatalima sa utos at tipan. 
Sa tumatalima, siya’y kaibigan, 
at tagapagturo ng tipan n’yang banal. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 3:12-4:2

Mga kapatid: Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayon, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya. 

Isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon – pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin – upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus.

Mabuting Balita: Lucas 21:25-28.34-36

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. 

Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo. 

Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: