“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’ ” (Lucas 3:4)
Unang Pagbasa: Baruc 5:1-9
Jerusalem, hubarin mo na ang lambong ng panluluksa at isuot mo ang walang hanggang kaningningan ng Diyos. Ibalabal mo ang kanyang katwiran at iputong mo sa iyong ulo ang korona ng kadakilaan ng Diyos na Walang Hanggan. Itatanyag ka niya sa lahat ng dako. Tatawagin kang “Kapayapaang bunga ng katwiran at karangalan ng pagiging maka-Diyos.” Jerusalem, tumindig ka at umakyat sa mataas na burol. Tingnan mo ang iyong mga anak na sa isang tawag lamang ng Diyos na Banal ay natitipon mula sa silangan hanggang sa kanluran. Nagagalak sila pagkat hindi sila kinalilimutan ng Diyos. Bihag silang inagaw sa iyo at kinaladkad na palayo, ngunit ngayo’y ibinabalik sa iyong sakay sa kaluwalhatian na wari’y nakaupo sa maharlikang trono.
Iniutos ng Diyos na patagin ang matataas na bundok at walang hanggang burol, at tambakan ang mga lambak upang panatag na makabalik ang bayang Israel na puspos ng kadakilaan ng Diyos. Sa utos niya’y lilitaw ang maraming mababangong punungkahoy upang liliman ang Israel. Aakayin sila ng Diyos, at babalik silang masaya sa pangangalaga ng kanyang habag at katwiran, at liligaya sa liwanag ng kanyang walang hang- gang kaningningan.
Salmo: Awit 126:1-2a, 2b-3, 4-5, 6
Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila,
kaya tayo’y natutuwa!
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!
Ikalawang Pagbasa: Filipos 1:4-6.8-11
Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol kay Kristo, mula nang ito’y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng Pagbabalik ni Kristo Hesus. Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyo ay kasinlaki ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Hesus.
Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay. Sa gayon, pagdating ng Araw ng Pagbalik ni Kristo, matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, at puspos ng magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Hesukristo sa karangalan at kapurihan ng Diyos.
Mabuting Balita: Lucas 3:1-6
Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos, kaya’t nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan at nangaral. “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos,” wika niya. Sa gayo’y natupad ang nasusulat sa aklat ni propeta Isaias:
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’ ”