“Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy.” (Lucas 3:16)
Unang Pagbasa: Sofonias 3:14-18
Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Sion; sumigaw ka, Israel! Magalak ka nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon, at itinapon niya ang inyong mga kaaway. Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon; wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos, parang bayaning nagtagumpay; makikigalak siya sa iyong katuwaan, babaguhin ka ng kanyang pag-ibig; at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan, gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Salmo: Isaias 12:2-3. 4. 5-6
Tugon: D’yos na kapiling ng bayan
ay masayang papurihan!
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa batis ng kaligtasan.
“Magpasalamat kayo sa Poon, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.”
“Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.”
Ikalawang Pagbasa: Filipos 4:4-7
Mga kapatid: Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo!
Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang dimalirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Mabuting Balita: Lucas 3:10-18
Noong panahong iyon: Tinanong si Juan Bautista ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”
“Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain,” tugon niya.
Dumating din ang mga publikano upang pabinyag at itinanong nila sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya, “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin.” Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, ano naman ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod,” sagot niya.
Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.” Marami pang bagay ang ipinangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang paghahayag ng Mabuting Balita.