Unang Simbang Gabi - 16 Disyembre 2021

 Simbang Gabi 2021 - Ebanghelyo at mga Pagbasa 



Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.” (Juan 5:36)

Unang Pagbasa: Isaias 56:1-3.6-8

Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin. Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin. Mapalad ang taong gumagawa nito, ang anak ng taong ang tuntuni’y ito. Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng Pamamahinga, sa gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas. Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos, na siya’y hindi papayagan ng Panginoon na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.” Ito naman ang sabi ng Panginoon sa mga dating dayuhan na ngayo’y kabilang sa kanyang bayan, buong pusong naglilingkod sa kanya, nangingilin sa Araw ng Pamamahinga; at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Tatanggapin ko ang inyong mga handog, at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.” Ipinangako pa ng Panginoon, sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon, na marami pa siyang isasama sa kanila para mapabilang sa kanyang bayan.

Salmo: Awit 66 

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo 
            ang lahat ng mga tao!

O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan, 
kami Panginoo’y iyong kaawaan 
upang sa daigdig mabatid ng lahat 
ang iyong kalooban at ang pagliligtas. 

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha, 
pagkat matuwid kang humatol sa madla; 
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. 

Nag-aning mabuti ang mga lupain, 
pinagpala kami ng Poon, Diyos namin! 
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala, 
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa. 

Mabuting Balita: Juan 5:33-36

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: