At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. (Marcos 5:13)
San Juan Bosco |
Pagbasa: 2 Samuel 15:13–16:13; Salmo: Awit 3:2-7;
Mabuting Balita: Marcos 5:1-201 Dumating sila sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, 2 at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. 3 Sa mga puntod siya nakatira at di siya maigapos kahit na ng mga kadena. 4 Madalas nga siyang ikinakadena at ipinoposas ang mga paa pero nilalagot niya ang mga kadena at sinisira ang mga posas sa paa kaya walang makasupil sa kanya. 5 Nasa kaburulan siya araw-gabi, sa mga libingan. Nagsisisigaw siya at sinasaktan ang sarili sa mga bato.
6 Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya 7 at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan.” 8 Sinabi nga sa kanya ni Jesus: “Lumabas ka sa tao, maruming espiritu.” 9 At nang tanungin siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” sumagot siya, “Hukbo nga ako, marami kasi kami.” 10 At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. 12 Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon.” 13 At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. 14 Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nangyari.
15 Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng Hukbo. Kaya natakot sila. 16 Ibinalita naman sa kanila ng nakakita kung ano ang nangyari sa inalihan ng demonyo at pati sa mga baboy. 17 Kayat hiniling nila kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.
18 Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipahayag sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.”
20 Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.