Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon - 06 Pebrero 2022



At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.”  (Lucas 5:10)

Unang Pagbasa: Isaias 6:1-2.3-8

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong Templo. 

May mga serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ! Ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.” Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng Templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.” 

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” 

Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

Salmo: Awit 137

Tugon: Poon, kita’y pupurihin 
           sa harap ng mga anghel!

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat, 
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap. 
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang, 
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan. 

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan, 
ikaw’y tunay na dakila, pati iyong kautusan. 
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, 
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako. 

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari, 
pupurihin ka ng lahat at ikaw’y ipagbubunyi. 
Ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin, 
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin. 

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway, 
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay. 
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat, 
ang dahilan nito, Poon, pag-ibig mo’y di-kukupas, 
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11

At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang pahayag na inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan. 

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon. Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. 

Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapatdapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. 

Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo. 

Mabuting Balita: Lucas 5:1-11

Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao. 

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” 

Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” 

Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. 

Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. 

Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” 

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayon din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: