Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!” (Lucas 19:38)
Unang Bahagi: Paggunita sa Pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem
Mabuting Balita: Lucas 19:28-40
Noong panahong iyon, nagpauna si Hesus patungong Jerusalem. Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagi’y Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawang alagad.
Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo’y matatagpuan ninyo ang isang bisirong asnong nakatali; hindi pa ito nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.”
Kaya’t lumakad ang mga inutusan at natagpuan nga nila ang asno, ayon sa sinabi sa kanila ni Hesus. Samantalang kinakalag nila ito, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” “Kailangan ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Hesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya’y pinasakay nila. Nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay, at sa kanyang daraanan nama’y inilalatag ng mga tao ang kanilang mga balabal. Nang malapit na siya – palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo – nagsigawan sa galak ang buong pangkat ng mga alagad at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kababalaghang nasaksihan nila. Ang wika nila, “Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!”
Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo nga ang iyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo: kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”
Ikalawang Bahagi: Banal na Misa
Unang Pagbasa: Isaias 50:4-7
Ang Makapangyarihang Panginoon ang nagturo sa akin ng sasabihin ko, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga’y kanyang binubuksan ang aking pandinig. Nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin. Binigyan niya ako ng pangunawa, hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya. Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinapansin, pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis na sampaling parang bato, pagkat aking batid na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Salmo: Awit 21
Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ’yong pinabayaan?
Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin;
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”
May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis.
Ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.
Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon;
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.
Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw, bayan ng Israel, ay sumamba at maglingkod.
Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos, ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama
Mabuting Balita: Lucas 23:1-49
Mga Tauhan: H – Hesus; T – Tagapagsalaysay; P – Pilato; M – Madla, Punong saserdote; L – Lalaki; K – Kapitan
Noong panahong iyon: Tumindig ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba. Dinala nila si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. (Anila,)
M –“Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.”
T –At tinanong siya ni Pilato:
P –“Ikaw ba ang Hari ng mga Ju- dio?”
H –“Kayo na ang nagsasabi,”
T –(tugon ni Hesus.) Sinabi ni Pi- lato sa mga punong saserdote at sa mga tao,
P –“Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
T –Ngunit mapilit sila at ang wika,
M –“Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”
T –Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit. Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila,
P –“Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.”
T –Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla,
M –“Patayin ang taong iyan! Pa- layain si Barrabas!”
T –Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao,
M –“Ipako sa krus! Ipako siya sa krus!”
T –Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato,
P –“Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay. Ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.”
T –Datapwa’t lalo nilang ipinagsigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw.Kaya’t ipina- siya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan. Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus kasunod ni Hesus. Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Ni- lingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila,
H –“Mga kababaihan ng Jerusa- lem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sa- sabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sa- pagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa tuyo?”
T –May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus,
H –“Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
T –At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila,
M –“Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!”
T –Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. (Sinabi nila,)
M –“Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
T –At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi,
L –“Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!”
T –Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama,
L –“Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.”
T –(At sinabi niya,)
L –“Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
T –Sumagot si Hesus,
H –“Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”
T –Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus,
H –“Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!”
T –At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. (Luluhod ang lahat at mananahimik sandali.)
T –Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos.
K –“Tunay ngang matuwid ang taong ito!”
T –(sabi niya.) Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.