Love Like Christ


Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
20 Pebrero 2022
  

Sino ka? Sino ako?

Kapag nagbibigay ako ng seminar, madalas ito ang umpisa kong tanong. Ito ang pundasyon ng mga susunod kong topics. Bago natin maunawaan ang anumang tungkol sa ating buhay at pananampalataya, kailangan nating mauwaan kung sino tayo.

Sabi ng kasulatan: Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” (Genesis 1:26)

At iyon tayo. Nilikha tayo sa wangis ng ating Diyos. Nilikha ayon sa Kanyang wangis. Ayon sa Kanyang kalikasan. Ayon sa Kanyang larawan. Subalit nagbago ang lahat dahil sa kasalanan. Nagkaroon ng kamatayan ang tao. Ito ang bunga ng kasalanan. Nalayo ang tao sa kalikasan ng Diyos.

At ito ang dahilan kung bakit nagkatawang-tao ang Diyos-- ang Salitang naging tao, si HesuKristo. Kaya Siya namatay sa krus at muling nabuhay upang maging katulad tayong muli ng Diyos. Inaanyayahan tayong mamatay sa ating sarili at muling mabuhay kasama ni Hesus.

Malaki ang hamon sa Ebanghelyo natin sa Linggong ito. Inaanyayahan tayo nitong maging katulad ni Hesus. Maging katulad din ng ating Amang Diyos. Magbalik sa kung sino talaga tayo. Patuloy na mapagpatawad. Patuloy na mapagmahal. Kahit na nasasaktan na'y patuloy pa rin sa pagsunod sa kalooban ng Ama.

Ibigin ang kaaway katulad ng ginawa ni Hesus habang nakabayubay sa krus. Ipinagdasal pa Niya ang mga taong dahilan ng Kanyang paghihirap, Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34)

Sabi din ni Santa Teresa ng Calcutta, "I have found the perfect paradox, that if you love until it hurts, there can be no more hurt, only more love."

Maging tulad tayo ni Hesus kung nais nating makasama ang Diyos at magkamit ng gantimpala sa langit. Be like Christ! Love until it hurts!

Panalangin:

O aming Amang Diyos, patuloy Ka po naming minamahal. Patuloy ka po naming pinupuri, sinasamba at niluluwalhati.

Hinihingi po namin sa Iyo ang kapatawaran sa aming mga pagkukulang. Sa mga panahong hindi kami naging tulad ni Hesus sa pang-araw-araw naming buhay.

Aming Ama, gabayan po sana kami ng Espiritu Santo sa aming pagsisikap na maging katulad ng Iyong Bugtong na Anak sa kanyang pagsunod sa Iyo at sa Kanyang walang kapagurang pag-ibig at pagpapatawad. Unti-unti, magawa po sana naming maging katulad Niya.

At sa pamamagitan Niya, ipinagbibilin po namin sa Iyo ang aming buhay, kamatayan at muling pagkabuhay.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo noon, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: