Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon. (Lucas 1:66)
Kapanganakan ni San Juan Bautista |
Unang Pagbasa: Isias 49:1-6; Salmo: Awit 139:1-15; Ikalawang Pagbasa: Gawa 13:22-26;
Mabuting Balita: Lucas 1:57-66. 80
57 Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. 58 Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.
59 Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. 60 Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” 61 Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” 62 Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. 63 Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” 64 Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.
65 Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. 66 Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
80 Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.