At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan ninyo siya.” (Lucas 9:35)
Pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus |
Mabuting Balita: Lucas 9:28-36
28 Mga walong araw pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito, isinama niya sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. 29 At habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting nagningning ang kanyang damit. 30 May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias.
31 Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
33 Nang papalayo na ang mga iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: “Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi niya alam ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumilim sa kanila; at natakot sila pagpasok nila sa ulap. 35 At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
36 Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.