Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. (Mateo 10:9-10)
Pagbasa: Hosea 11:1-9; Salmo: Awit 80:2-16;
Mabuting Balita: Mateo 10:7-15
7 Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ 8 Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. 10 Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
11 Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
12 Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. 13 Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
14 At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.