“Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos.” (Lucas 11:42)
Pagbasa: Galacia 5:18-25; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 11:42-46
42 Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. 43 Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. 44 Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.”
45 Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” 46 At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.”