Unang Linggo ng Adbiyento - 27 Nobyembre 2022



“Kaya magbantay kayo, sapagka’t hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42)

Unang Pagbasa: Isaias 2:1-5

Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem: Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok. Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa. Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito: “Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon, sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas. 

Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.” Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan. Kung magkagayon, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak, at karit ang kanilang mga sibat. Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan. Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon. 

Salmo: Awit 121

Tugon:  Masaya tayong papasok 
            sa tahanan ng Poong D’yos!

Ako ay nagalak, sa sabing ganito: 
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!” 
Sama-sama kami matapos sapitin, 
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem. 

Dito umaahon ang lahat ng angkan, 
lipi ni Israel upang manambahan, 
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan. 
Pagka’t ito’y utos na dapat gampanan. 
Doon din naroon ang mga hukuman 
at trono ng haring hahatol sa tanan. 

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, 
sikaping sa Poon yao’y idalangin: 
“Ang nangagmamahal sa’yo’y pagpalain. 
Pumayapa nawa ang banal na bayan, 
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.” 

Dahilan sa aking kasama’t katoto, 
sa’yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito: 
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.” 
Dahilan sa templo ng Poong ating D’yos, 
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.

Ikalawang Pagbasa: Roma 13:11-14

Mga kapatid: 

Alam ninyong panahon na upang gumising kayo sa pagkakatulog. Ang pagliligtas sa atin ay higit na malapit ngayon kaysa noong tayo’y magsimulang manalig sa kanya. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan. Ang Panginoong Hesukristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag paglaanan ang laman upang bigyan-kasiyahan ang mga nasa nito.

Mabuting Balita: Mateo 24:37-44

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 

Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagka’t hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagka’t darating ang Anak na Tao sa oras na di ninyo inaasahan.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: