Ikalimang Simbang Gabi - 20 Disyembre 2022



Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” (Lucas 1:38)

Unang Pagbasa: Isaias 7:10-14

Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.” Sinabi ni Isaias: “Pakinggan mo, sambahayan ni David, kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao, na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot? Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”

Salmo: Awit 23 

Tugon: Ang Panginoo’y darating, 
           s’ya’y dakilang Hari natin!

Ang buong daigdig, lahat ng naroon, 
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon; 
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y 
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.

Sino ang marapat umahon sa burol, 
sa burol ng Poon, sino ngang aahon? 
Sino’ng papayagang pumasok sa templo, 
sino’ng tutulutang pumasok na tao? 
Siya, na malinis ang isip at buhay, 
na hindi sumamba sa diyus-diyusan; 
tapat sa pangako na binibitiwan. 

Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya, 
ililigtas siya’t pawawalang-sala. 
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyos, 
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.

Mabuting Balita: Lucas 1:26-38

Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. 

Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” 

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.” 

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: