Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - 16 Abril 2023

Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa



“Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” (Juan 20:29)

Unang Pagbasa: Gawa 2:42-47

Ang mga kapatid ay nanatili sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin. Dahil sa maraming himalang nagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang magkahalong pitagan at takot.

At nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Araw-araw, sila’y nagkakatipon sa templo, naghahati-hati ng tinapay sa kanilang tahanan, at nagsasalusalong masaya ang kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng tao. Bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Salmo: Awit 117 

Tugon: Butihing Poo’y purihin, 
           pagibig n’ya’y walang maliw!

Ang taga-Israel, bayaang sabihi’t kanilang ihayag, 
“Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kukupas.” 
Mga saserdote ng Diyos na Panginoon, bayaang magsaysay: 
“Ang pag-ibig ng Diyos, walang katapusan.” 
Lahat ng may takot sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag, 
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.” 

Sinalakay ako’t halos magtagumpay ang mga kaaway, 
dahilan sa Poon sila’y napipilan. Dahilan sa Poon ako’y pinalakas, 
at ako’y tumatag; siya, sa buhay ko, ang Tagapagligtas. 
Dinggin ang masayang sigawan sa tolda ng mga hinirang: 
“Panginoo’y siyang lakas na patnubay.” 

Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay, 
sa lahat ng bato’y higit na mahusay. 
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos, 
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 1:3-9

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ang bagong buhay na iyan ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di-masisira, at di-kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit. Sapagkat kayo’y sumampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos samantalang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakalaang ihayag sa katapusan ng mga panahon. 

Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayon, kayo’y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Hesukristo. 

Hindi ninyo siya nakita kailanman, ngunit siya’y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita magpahanggang ngayon, ngunit nananalig na kayo sa kanya. Dahil dito’y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita. Sapagkat inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya – ang inyong kaligtasan.

Mabuting Balita: Juan 20:19-31

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.” 

Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. 

Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.” 

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” 

Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: