Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. (Mateo 5:20)
Mabuting Balita: Mateo 26:36-42
36 At nagpunta si Jesus na kasama sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane at sinabi niya sa mga alagad: “Maupo kayo rito habang nagdarasal ako sa dako roon.”
37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagsimula siyang labis na mahapis at mamighati. 38 At sinabi niya sa kanila: “Labis na kalungkutang parang kamatayan ang aking nadarama. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”
39 At pumunta siya sa malayu-layo pa at napatirapa habang dinarasal: “Ama, kung maaari, alisin mo sa akin ang kalis na ito. Ngunit huwag ang gusto ko ang masunod kundi ang sa iyo.” 40 At pagbalik niya sa mga alagad, nakita niya silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro: “Hindi ba kayo makapagpuyat na kasama ko nang kahit isang oras lamang? 41 Magpuyat at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Talagang masigasig ang espiritu ngunit mahina ang laman.”
42 Umalis siya uli para manalangin nang makalawa at sinabi: “Ama, kung hindi ito lalampas at kailangan kong inumin, ang kalooban mo ang matupad.”