Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? (Lucas 18:7)
Pagbasa: Karunungan 18:14–19:9; Salmo: Awit 105:2-43;Mabuting Balita: Lucas 18:1-8
1 Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. 2 Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. 3 May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ 4 Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, 5 igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.”
6 Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. 7 Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”