Ikaanim na Simbang Gabi - 21 Disyembre 2023

Simbang Gabi 2023 - Ebanghelyo at mga Pagbasa



 Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!” (Lucas 1:45)

Unang Pagbasa: Sofonias 3:14-18

Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Sion: sumigaw ka, Israel! Magalak ka nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem! 

Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon, at itinapon niya ang inyong mga kaaway. 

Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon; wala nang kasawiang dapat pang katakutan. 

Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos, parang bayaning nagtagumpay; makikigalak siya sa iyong katuwaan, babaguhin ka ng kanyang pag-ibig; at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan, gaya ng nagdiriwang sa pista.”

Salmo: Awit 33:2-3. 11-12. 20-21

Tugon: Panginoo’y papurihan 
            ng tapat n’yang sambayanan!

Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan, 
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan. 
Isang bagong awit, awiting malakas, 
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag! 

Ngunit ang mga panukala ng Diyos 
ay mamamalagi’t walang pagkatapos. 
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos, 
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon; 
siya ang sanggalang natin at katulong. 
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa, 
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.

Mabuting Balita: Lucas 1:39-45

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak niyang sinabi, “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: