Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Miyerkules ng Abo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

02 Abril 2026

Huwebes Santo 
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


"Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan." (Juan 13:14-15)

Unang Pagbasa:  Exodo 12:1-8.11-14

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabaysabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dali-dali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon. 

Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon. 

Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”

Salmo: Awit 116:12-13. 15-16. 17-18

Tugon:  Sa kalis ng pagbabasbas, 
            si Kristo ang tinatanggap!

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
 sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob? 
Ang handog ko sa dambana ay inumin na masarap, 
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas. 

Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw 
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam. 
Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos, 
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos. 

Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat, 
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak. 
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay 
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 11:23-26

Mga kapatid: Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghatihati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” 

Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Mabuting Balita: Juan 13:1-15

Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila. 

Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. 

Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat. 

Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”


Gospel Reflection

Empty Hearts


Hindi mo puwedeng salinan pa ng malins na tubig ang isang basong puno na. Aapaw lamang ito at masasayang ang malinis na tubig.

Jesus emptied Himself. Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos. Hinubad Niya ang Kanyang pagiging Hari at Panginoon. Ginawa Niya ito para abutin ang mga makasalanan.

Nagmistula Siyang alipin. Sukdulang hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad. Kasama na rito ang mga paa ni Hudas Escariote na magkakanulo sa Kanya. Konkreto ang ibinigay Niyang halimbawa. At inutusan Niya ang mga apostol na gayahin ang Kanyang paglilingkod.

Sa pag-aalala natin sa Huling Hapunan ng ating Panginoon, ini-encourage tayong tanggalin ang mga maruruming laman ng ating puso. Alisin natin ang lahat ng galit. Lahat ng inggit. Lahat ng pagtatampo at kalungkutan. Lahat ng ating kayabangan at pride. Sa ganitong paraan, magagawang pumasok ng Espiritu Santo sa ating mga pusong walang laman.

Tanggalin natin ang lahat ng negatibo nating nararamdaman. Bawal ang nega. Hayaan nating makapasok sa atin ang pag-ibig ni Hesus na hinubad ang lahat dahil sa pag-ibig sa atin. Kung hindi natin ito gagawin, paano tayo ganap na makapaglilingkod sa ating kapwa? Paano natin maiibig ng tapat ang ating Panginoong Diyos.

Let's empty our hearts. Papasukin natin si Hesus sa ating buhay. Humingi ng tawad at magpatawad. Mag-ibigan katulad ng pag-ibig ni Hesus sa atin.

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, papuri, pagsamba at pagluwalhati ang inihahandog namin sa Inyo. Ang aming mga puso ay ipinagkakaloob namin sa Inyo. Gamitin Mo po kami para sa Iyong kaluwalhatian.

Pumapasok po kami ngayon sa aming pag-alaala sa pasyon ng aming Panginoong HesuKristo. Pinili Niyang ipakita sa Kanyang mga alagad ang Kanyang kababaang-loob. Turuan Mo po kaming tularan ang Kanyang halimbawa. Pagkalooban po Ninyo kami ng pagpapakumbaba upang ganap kaming maging lingkod Mo.

Gawin Mo po kaming karapat-dapat na tumanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa anyo ng tinapay at alak na pinagsasaluhan namin sa Banal na Misa. 

Tinatanggap po namin ang Kanyang pag-ibig. Tulungan po Ninyo kaming ibahagi ang pag-ibig na ito sa aming kapwa. Lalo na po sa aming mga kapatid na hindi pa nakakakilala sa Iyo.

Ama, sa katubusan ng aming kasalanan sa pamamagitan ng Anak mong Iyong Kordero, hinihingi po namin ang Iyong awa, sa pangalan ni Hesus na kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo