Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

03 Mayo 2026

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 

Ebanghelyo At Mga Pagbasa



“Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. (Juan 14:6)

Unang Pagbasa: Gawa 6:1-7

Noong mga araw na iyon, dumarami na ang mga sumasampalataya at nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga babaing balo sa pangkat nila ay napapabayaan sa pangaraw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 

Kaya’t tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita.” 

Nalugod ang buong kapulungan sa panukala ng mga apostol; kaya’t pinili nila si Esteban, isang lalaking matibay ang pananalig sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na naakit sa Judaismo. Iniharap sila sa mga apostol; sila’y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. 

Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos; at ang sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. At maging sa mga saserdote, marami ang sumampalataya.

Salmo: Awit 32 

Tugon: Poon, pag-asa ka namin, 
            pag-ibig mo’y aming hiling!

Lahat ng matuwid dapat na magsaya 
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila; 
kayong masunuri’y magpuri sa kanya! 
Ang Diyos na Poon ay pasalamatan, 
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan. 

Panginoo’y tapat sa kanyang salita, 
at maaasahan ang kanyang ginawa. 
Minamahal niya ang gawang matapat, 
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap. 

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala 
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. 
Hindi babayaang sila ay mamatay, 
kahit magtaggutom sila’y binubuhay. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 2:4-9

Mga pinakamamahal: Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 

Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espiritwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espiritwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesukristo. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan: “Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan, hinirang at mahalaga; hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” 

Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga may pananalig. Ngunit sa mga walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan: “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong-panulukan” at “naging batong katitisuran at ikararapa ng mga tao.” Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila. Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagilagilalas na kaliwanagan. 

Mabuting Balita: Juan 14:1-12

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” 

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing:‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 

Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama.” 


Gospel Reflection

Senti Throwback


Sa isang bahagi ng aking buhay, naging madilim ang lahat para sa akin. Tanda ko ang mga gabing hindi ako mapagkatulog. Sabi nga, isip ng isip pero wala namang iniisip.

Magulung-magulo ang isip ko noon. Bilang isang teen-ager na hindi pa sanay sa buhay, binabagabag ako ng maraming mga katanungan. Bakit ganito? Bakit ganyan? 

May mga pagkakataon pa ngang ipinagdarasal kong pagkatulog ko ay huwag na sana akong magising. Ayaw ko namang magpakamatay dahil alam kong kasalanan 'yon. Pero habang lumilipas ang mga taon, napagtanto kong nang mga panahoh na 'yun ay ayoko nang mabuhay subalit takot akong mamatay-- kapalaran nga naman ng isang duwag.

Hanggang sa wala akong matakbuhan kundi ang Diyos. Nagdasal ako. Kinausap ko Siya. Nakipagkuwentuhan ako sa Kanya. Pinakinggan ko Siya sa katahimikan ng aking puso. Basta tumitigil lang ako sa pagsasalita. Itinitigil ko kung anuman ang aking mga iniisip. Pinakinggan ko ang dating maliit Niyang tinig sa aking puso.

Maraming nagbago buhat noon. Marami akong nalaman tungkol sa Kanya.

Siya ang Daan...

Binigyan Niya ng direksyon ang aking buhay. Natuto akong mangarap para sa sarili ko. Para sa aking kapwa. Para sa aking komunidad. Nagkaroon ako ng vision.

Siya ang Katotohanan...

Malayo ang Kanyang katotohanan sa katotohanang inaalok ng mundo. Hindi nasagot ng aking paghahanap sa Kanya ang marami sa aking mga katanungan subalit naibigay Niya ang mga kasagutan sa mahahalagang mga katanungan. Sapat iyon upang manatili ako sa Kanyang pag-ibig.

Siya ang Buhay...

Para akong zombie noon. Naglalakad. Kumakain. Natutulog. Gumigising. Humihinga. Pero alam ko sa loob ko na may kulang. Parang may malaking espasyo sa buhay ko na dapat mapunan.

Nang makilala ko si Hesus, napunan ang espasyong iyon. Nagkakaroon ako ng buhay. Buhay na hindi lang basta existence. Buhay na may kabuluhan. May pag-asa. May kahulugan. May katiyakan.

Tunay nga, si Hesus ang tanging Daan natin patungo sa Ama; Siya ang Katotohanang magpapalaya sa atin sa pagkaalipin sa kasalanan at kalungkutan at kawalang-pag-asa; Siya ang Buhay at muling pagkabuhay, ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan.

Panalangin:

Pagsamba, pagpupuri at pasasalamat ang handog namin sa Iyo, aming Ama. Ang Iyong kabutihan ang dahilan kung bakit kami naririto. Kabutihan Mo ang bukal ng aming mga buhay. Hayaan Mo pong ihandog namin sa Iyo ang buhay namin at buong pagkatao sa Iyo.

Palakasin Mo po ang aming pananalig na nanghihina. Papag-apuyin Mo po ito upang magawa naming ihayag sa Mundo ang pananampalataya namin sa Iyong Anak na Panginoon namin. Si Hesus ang Salitang nagkatawang-tao. Ang Salitang kasama Mo na noon pang una. Siya ay Diyos. Nilikha ang lahat sa pamamagitan Niya at walang nalikha kung wala Siya.

Tulungan Mo po kaming makita ang kilos ng Espiritu Santo. Turuan po sana Niya kaming sumunod sa Iyong kalooban. Si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Hayaan Mo pong sa pamamagitan ng aming pananalig sa Kanya ay makalapit kami sa Inyo.

Ama, idinadalangin din po namin ang aming ina at ang lahat ng ina sa mundo. Patuloy po sana naming pahalagahan at suklian ang kanilang pag-ibig sa amin. Maipadama at maipahayag po sana naming lagi sa kanila ang aming pagmamahal.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo