Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

13 Setyembre 2026

Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


“Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” (Mateo 18:21)

Unang Pagbasa: Sirac 27:33-28:7

Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian; ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan. 

Natatandaan ng Panginoon ang kasalanan ng bawat tao, at ang mapaghiganti ay paghihigantihan din niya. Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman. Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa, pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa. Kung hindi ka nahahabag sa iyong kapwa, paano mong ihihingi ng tawad ang iyong kasalanan? Kung ikaw na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit, s inong magpapatawad sa iyo sa mga kasalanan mo? Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit. Isipin mo ang kamatayan at sundin mo ang Kautusan. Dili-dilihin mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa; alalahanin mo ang Tipan ng Kataas-taasan at matuto kang magpatawad.

Salmo: Awit 102 

Tugon: Ang ating mahabaging D’yos 
            ay nagmamagandang-loob!

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa, 
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina. 
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan, 
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan. 

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad, 
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. 
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, 
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag. 

Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; 
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim, 
kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway, 
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan. 

Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya, 
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya. 
Ang silangan at kanluran, kung gaano ang distansya, 
gayunggayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 14:7-9

Mga kapatid: Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Kung tayo’y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo’y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo’y sa Panginoon. 

Sapagkat si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.

Mabuting Balita: Mateo 18:21-35

Noong panahong iyon, lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. 

Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ariarian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya. 

Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka sa utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. 

Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.”  


Gospel Reflection

Bakit Magpapatawad?


Para sa marami sa atin, napakahirap patawarin ang isang taong lubhang nakasakit o nakasira sa atin. Madalas kaysa hindi nagiging dahilan ito ng tuluyang pagkasira ng ating relasyon sa nasabing tao.

Kung napakahirap nang patawarin ang isang taong minsang nagkasala sa atin, paano pa kaya natin gagawin ang sinabi ni Hesus? Na kung magpapatawad tayo, hindi lang pitong beses, kundi pitumpung ulit pa nito. 

Bakit nga ba kailangan nating magpatawad ng taong nagkasala sa atin?

Pansinin po natin ito:

Kapag nagkasala sa atin ang isang kapatid o isang kaibigan, magagalit tayo sa kanya. At kadalasan hindi lang tayo basta nagagalit, itinatanim pa natin ang galit na ito. Iisipin nating lagi ang ginawang mali sa atin. Minsan hindi tayo mapagkatulog samantalang 'yung nagkasala sa atin ang himbing ng tulog. Nasisira ang araw natin kapag nakikita natin siya o kaya may magpapaalala sa 'tin sa nasabing tao.

Sa ibang salita, mai-stress tayo. At ang stress, nagdudulot yan ng kalungkutan. O kaya ng sakit. O kaya ng mabilis na pagtanda.

Kaya ang ending, nagkasakit ka. Gumastos sa gamot. Gumastos nang ma-confine sa ospital. Maagang namatay. At lahat ng 'yun dahil hindi ka nagpatawad.

Hindi po healthy ang magtanim ng galit o ng tampo o ng grudge. Kapag nagkagano'n, para tayong mga taong nakagapos o nakakulong sa galit na ating nararamdaman. Hindi tayo makakilos at makapag-isip ng tama dahil nagiging alipin tayo ng ating negatibong emosyon.

At ang magpapalaya sa atin? Magpatawad tayo. Madaling sabihin. Alam kong hindi ito madali. Pero kahit saang anggulo natin tingnan, tayo ang talo kapag hindi natin nagawang magpatawad. 

Kapag nagawa nating magpatawad, liban sa masusunod na natin ang utos ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong Linggo, makapamumuhay pa tayo ng malayo sa stress at sa mga negatibong dulot nito.

Gusto mo ng peace of mind? Magpatawad. Maging mapagpatawad katulad ng ating Amang Diyos na patuloy na nagpapatawad sa mga taong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya.

Panalangin:

Panginoon namin at Diyos, aming Amang bukal ng awa, Ikaw na walang hanggang nagpapatawad sa aming mga pagkakasala't pagkukulang, ang aming puso, isip at kaluluwa ay inihahandog namin sa Inyo. Purihin at dakilain ng tanan ang matamis Mong Pangalan.

Ama, patawarin Mo po kami. Turuan Mo po kaming magpatawad at maging mapagpatawad. Maghari po sana sa aming buhay ang Banal na Espiritu upang magawa naming mahalin ang mga taong hindi kamahal-mahal. Tanggalin po sana Niya ang lahat ng galit, inggit at pagtatampong namamahay sa aming mga puso. Espiritu Santo, pagkalooban po Ninyo ng kapayapaan ang aming mga isip.

Idinadalangin din po namin, Ama, ang aming bayan. Huwag po sanang maghari sa bawat isa sa amin ang kultura ng galit at paghihiganti. Huwag po sana naming isiping ang isang taong makasalanan ay dapat na mamatay. Nawa po kami ay maging bayang naniniwala sa hustisya at due process. Turuan Mo po kaming pahalagahan ang buhay ng tao.

Ang lahat ng ito, Ama, ay itinataas namin sa pangalang ni Hesus na Iyong Anak, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo

Catholic Devotional Apps