Pagsunod sa Krus at Pagkabuhay

16 Setyembre 2012
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Marcos 8:27-35

"Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin." (Marcos 8:34) 





Krus ng Paghihirap.

Ang lahat ng Kristiyano-- Katoliko man o hindi-- ay para bang allergic sa mga salitang ito. Oo, mahal natin ang Krus ni Kristo pero ang nakikita natin sa krus ay ang kaluwalhatiang kasunod nito. Tila ba ayaw nating makita ang paghihirap na kalakip nito. 

Sa ebanghelyo natin ngayon, hinahamon tayo ng ating Panginoong Hesus na yakapin ang dalawang mukha ng pagsunod sa Kanya -- ang kaligayahan at ang pagsasakripisyo. Katulad ni Pedro, nasa atin ang kaligayahang ipahayag ang katotohanang nasa Kanya ang kaligtasan subalit kasama nito ang paghahanda ng sarili sa paghihirap at pagsasakripisyong daranasin sa pagsunod. 

Marami sa ating mga Katoliko ang nagpapahayag ng ating pagiging mga lingkod subalit hindi sa labas ng ating comfort zone.  Madaling sabihing maglilingkod tayo pero hindi gano'n kadali ang lahat kapag kailangan na nating iwasan ang ating mga nakasanayan, o kaya'y kailangan na nating gumising ng maaga, o kanselahin ang ating mga lakad. Ang resulta tuloy ay nagiging hilaw o maligamgam ang ating pagsunod. 

Kailangan nating lumabas sa ating mga kahon. Minsan mapagtatawanan tayo. Mapapahiya. Ang lahat ng ito ay bahagi ng pagiging Katolikong lingkod (2 Timoteo 3:12). Dapat nating isiping ang lahat ng ito ay dinanas rin ni Hesus. Naranasan Niyang magpakain ng limang libong tao (Mateo 14:13-21) subalit naranasin  rin Niya ang magutom, ang mauhaw-- at oo, ang libakin (Marcos 15:29-32).

Kung magiging mabuti tayong lingkod at patuloy pa rin tayong dumaranas ng mabibigat na mga pagsubok at problema sa ating buhay, isipin nating ang lahat ng ito ay bahagi ng ating pakikihati at pagsunod sa mga yapak ni Hesus pa-Kalbaryo. Sa pagtatakwil ng sarili sa pamamagitan ng pabibigay nito-- ng oras, talento at kayamanan-- para sa ikalalaganap ng Mabuting Balita at sa ikabubuti ng naghihirap nating kapwa ang simula nito.

Nawa'y sa ating pagyakap sa Krus ng paghihirap, katulad ng mga alagad ni Hesus, ay mayakap din natin sa huli ang Krus ng Kaligtasan. Sabi nga, ang lahat ay hindi natatapos sa Biyernes Santo dahil laging sumusunod dito ang Linggo ng Pagkabuhay.

                                     



Panalangin:

O aming Amang Makapangyarihan, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, gabayan po Ninyo kami sa pagbuhat ng aming mga krus at sa pagsunod sa aming Panginoong HesuKristo. Huwag sana kaming panghinaan ng loob dahil sa mga pagsubok na kinakaharap namin sa aming mga buhay. Bagkus maging lakas ka Namin upang patuloy kaming makaganap sa aming mga tungkulin sa aming pamilya, mga trabaho, at mga komunidad. Katulad ni San Pedro, maihayag nawa naming Siya ang Kristo sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa sa aming kapwa.  Ang lahat ng ito'y hinihiling namin sa pamamagitan ng aming HesuKristong Panginoon, kasama ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: