Kadakilaan sa Mata ng Diyos

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
23 Setyembre 2012
Mabuting Balita: Marcos 9:30-37





    Kaapihan at kadakilaan. Dalawang magkasalungat na salita. Parang init at lamig o hapis at tuwa. Sa pagdaan nila sa Galilea, ipinahayag ni Hesus ang kaapihang daranasin Niya sa kamay ng mga nasa kapangyarihan. Hindi Siya naintindihan ng Kanyang mga alagad dahil sa isang simpleng dahilan-- kinikilala nila si Hesus bilang isang Mesiyas, isang taong makapangyarihang magliligtas sa Israel at siyang susunod na hari.

    Kadakilaan ang inaasahan nilang makamtan sa pagsunod sa Kanya. Hindi ba't hiningi pa ng ina ng mga anak ng kulog-- na sina Juan at Santiago--  na ipagkaloob sa kanyang mga anak ang upuan sa kaliwa at sa kanan ni Hesus kapag naghahari na Siya (Mateo 20:20-28). Ang imahe ni Haring David ang nakikita nila kay Hesus-- isang taong magkakaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng lakas ng sandata. At kasunod ng paghahari ni Hesus ay ang mga dakilang puwestong ipagkakaloob sa kanila.

    Subalit kabaligtaran ang itinuro ni Hesus sa Kanila. Sinabi niyang ang nais maging dakila ay kailangang maging lingkod ng lahat. Iyon ang sukatan ni Hesus ng kadakilaan-- hindi ang kapangyarihan o materyal na bagay. Ang kadakilaan ay ang pagtanggap at pagmamahal sa kapwa upang maibsan ang mga paghihirap nila.


   Hindi nagkulang si Hesus sa pagbibigay ng halimbawa sa kanyang mga alagad. Sa huling tatlong taon ng Kanyang buhay dito sa lupa, ginugol niya ang lahat ng kanyang oras para sa paglilingkod sa mga naghihirap, mga maysakit at mga naghahanap ng Diyos. At sa huli, ipinagkaloob Niya ang pinakadakilang sakripisyo-- ang mapako at mamatay sa krus.

    Habang nagrereklamo tayo dahil hindi masarap ang ulam natin o dahil mumurahin ang cellphone natin, isipin sana natin ang mga kumakalam ang sikmura, mga walang masilungan at mga maysakit. Hamak na mas kaawa-awa ang kanilang sitwasyon kumpara sa atin.

    Ang kadakilaan dito sa mundo ay parang isang damong sariwa ngayon at malalanta bukas. Pagharap natin sa huling araw sa Panginoon, sana'y ito ang sasabihin Niya sa atin:


"Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 
Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 
Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan." (Mateo 25:34-36)

Sapagkat "Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan." (Mateo 25:40)


Panalangin:

    O Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, ipagkaloob po Ninyo sa amin ang Banal Na Espiritu upang hangarin naming maging dakila sa Inyong paningin. Turuan po Ninyo kaming maglingkod sa aming kapwang nangangailangan. Maunawaan nawa naming kahit ang tulad naming dukha ay may kakayahang tumulong at walang dakila o makapangyarihang hindi mangangailangan ng tulong. 

    
   Sa paggawa po namin ng mabuti, huwag sana naming isiping ito ay may kapalit na panlupang gantimpala mula sa Inyong mapagpalang mga kamay. Magawa sana naming sumunod sa Iyong mga halimbawa tulad ng isang bata sa pagtitiwala, pagmamahal at kasimplehan. Idinadalangin namin ito sa matamis at makapangyarihang pangalan ni Hesus, kasama ng Espitiru Santo, na nabubuhay at naghahari noon, ngayon at magpakailanman. Amen.







    

Mga kasulyap-sulyap ngayon: