Katuparan Sa Araw-Araw

Gospel Reflection

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
23 Enero 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Enero 2013.)


Abril 17, 2003, Huwebes Santo, Visita Iglesia-- Mag-isa akong naglalakad sa mga kalsada ng Malabon at Navotas patungo sa mga simbahang nasa nasabing mga siyudad.

Hawak sa isang kamay ang isang rosaryo, tinahak ko ang rutang: Parokya ni San Antonio de Padua - Parokya ng Santo Rosario - Parokya ng Exaltation of the Cross - Parokya ng Immaculada Concepcion - Parokya ni San Bartolome - Parokya ni San Ildefonso - Parokya ni San Jose - Parokya ni San Roque - pabalik sa Parokya ni San Antonio de Padua.

Madilim ang gabing iyon-- partikular para sa akin. Sa gulang kong halos dalawampu't anim (26), wala akong trabaho. Walang lovelife. Walang perang laman ang bulsa. Walang direksyon. Walang maayos na plano sa buhay. Ang bitbit ko lang ng gabing iyon ay dalawang boteng tubig na nakalagay sa isang sando bag at isang rosaryong plastik.

Ganu'n na lang  kataimtim ang panalangin ko nang gabing iyon. Kinakausap ko ang Diyos. Kinakausap ko rin ang aking sarili. Ano ang dapat kong gawin? Diyos ko, paano ako magsisimula? Ituro po Ninyo ang direksyong dapat kong tunguhin?

Inakala kong ang gabing iyon ay katulad lamang ng mga nagdaang gabi. Akala ko'y uuwi akong taglay pa rin sa puso ang bigat ng nararamdaman. Maghahating-gabi na. Naghahanap ako ng direksyon. Naghahanap ng kahulugan. Pabalik na 'ko no'n sa Simbahan ni San Antonio de Padua (SAdP)-- sa parokya kung saan ako hinubog upang maging isang mabuting Katoliko-- nang makita ko ang babaeng nagngangalang Rizza.

Nag-usap kami ng dalaga hanggang sa isara ang simbahan matapos isara ang vigil. Umuwi ako nang gabing iyon subalit buhat noon ay pinagpanibagong- hubog ng Diyos ang aking buhay.

Hindi naging madali ang lahat. Sa pitong taon naming relasyon bilang magkasintahan, dumaan kami ni Rizza sa maraming mga pagsubok pero we kept hanging on. Ikinasal kami noong Hunyo 5, 2010 sa SAdP. Isinilang sa mundo ang aming baby girl na si Baby Lei Rhiz noong Mayo 8, 2012 (at si Baby Rei Lhiz noong Hulyo 8, 2020).

Kapwa kami ngayon nagtatrabaho ng aking asawa sa isang industrial clinic sa Pasay. Hindi kalakihan ang sahod pero pinagkakasya namin.

Hindi perpekto ang buhay naming mag-asawa pero itinuturing namin ang bawat araw bilang isang biyayang buhat sa Diyos. Ang bawat araw ay isang pagdiriwang ng katuparan ng mga pangako ng Ama. Isinugo Niya si HesuKristo sa mundo “upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.” (Lucas 4:18-19)

Ang Huwebes Santong iyon, ang araw na ito at ang susunod pang mga araw sa ating buhay ay katuparan ng mga salitang iyon. 

          Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
          inalis niya sa akin ang lahat kong takot.

         Nagalak ang aping umasa sa kanya,
          pagkat di nabigo ang pag-asa nila. (Awit 34:4-5)


Panalangin:

O aming Amang pinanggagalingan ng lahat ng biyaya sa aming buhay, sambahin Ka at purihin sa Iyong kabutihang walang-hanggan.

Mula sa Nazaret, Galilea, tinupad ni Hesus ang lahat ng Iyong ipinangako sa Matandang Tipan.
 

Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman; sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim. (Isaias 9:2)

Panginoon, gawin mo pong katuparan din ng Iyong mga Salita ang aming mga buhay. Gamitin Mo pong Instrumento ng Iyong pagmamahal ang bawat oras namin sa aming mga tahanan, mga trabaho, mga eskuwelahan at sa lahat ng aming mga gawain. Sa pamamagitan nawa ng Iyong kabutihan, masalamin sa amin ang isang tunay na Kristiyanong sumusunod sa mga halimbawa ni Hesus. 

Iniingatan po Ninyong lagi ang aming pamilyang sa Iyo'y nagmamahal. Ilayo mo po kami sa lahat ng kapahamakan at karamdaman.

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya at sa Kanya, ang araw na ito at ang susunod na mga araw sa aming buhay ay ihinahandog namin sa Iyo, Ama, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan. Amen.


I-share ko na lang din. Bago ang Huwebes Santong iyon, isinulat ko ang kantang ito:


Mga kasulyap-sulyap ngayon: