Mission Statement

Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Pebrero 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 10 Pebrero 2013.)



Sa kalagitnaan ng Dekada '90, isang gabi matapos ang isang maghapong sesyon ng Parish Renewal Experience (PREX), bago ako umuwi ay nakipagkuwentuhan muna ako sa mga kapwa ko participants at sa mga facilitators

Maya-maya pa'y lumapit sa amin si Father Lito, ang kura paroko noon ng San Antonio de Padua sa Malabon. Hindi ko na masyadong matandaan ang mga daloy ng naging pag-uusap namin. Basta ang natatandaan ko, walang anu-ano ay tinanong ako ni Father Lito, "Kaya mo bang bumuo ng isang simbahan?"

Dahil galing ako sa sesyon ng PREX, agad kong na-gets na ang sinasabi niyang simbahan ay hindi ang simbahang-bato kundi ang simbahang-tao. Hindi ako nakasagot agad sa tanong niya. Ang totoo'y nabigla ako. Bakit ako? 

Buhat noon, hindi ko na nalimutan ang tanong na iyon. Para iyong isang sticker na nadikit o na-stock na sa aking isipan. Hindi ko alam kung alam ni Father Lito pero naging napakalaki ng epekto ng simpleng tanong na iyon sa aking pagkatao-- lalo na sa aking pagiging Katoliko. Iyon ang aking naging mission statement-- ang naging gabay ko sa aking Katolikong pamumuhay.  

Sa ating Ebanghelyo sa linggong ito, tinawag ni Hesus ang mga mangingisdang sina Simon Pedro, Santiago at Juan. Sa simula pa lang, ibinigay na agad ni Hesus ang kanilang mission statement-- sila'y magiging tagapamalakaya ng tao.

Bilang mga Katoliko sa ating panahon, minana natin mula sa mga apostol ang misyong ito. Ang bawat araw sa ating buhay ay isang hamon upang bihagin ang ating kapwa sa lambat ng pag-ibig ng Diyos. Tayo'y mga tagapamalakaya ng tao. Mga tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasang inaalok ni Hesus sa sangkatauhan.

Manghuhuli tayo ng mga kaluluwa upang makaisa ng Simbahan sapagkat si Hesus

...ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. (Colosas 1:18)

Sa ating mumunting mga paraan, patuloy pa rin tayong tumulong sa patuloy na pagbuo ng simbahan. Patuloy na manghuli ng mga pusong inaanyayahan ng Espiritu Santong magbalik-loob sa Kanya. Mamalakaya ng tao dahil sa ating pagmamahal kay Kristong naunang nagmahal sa atin.

Panalangin:

O Diyos Ama naming makapangyarihan sa lahat, Ikaw na nagsugo kay Hesus upang gawin kaming mga tagapamalakaya ng tao, niluluwalhati at sinasamba Ka namin. Nararapat na Ikaw ay aming papurihan at pasalamatan ng aming buong puso at buong kaluluwa.

Tulad ng mga isdang nahuli ng lambat, huwag Mo pong hayaang kami 'y kumawala sa Iyong mapagpalang pag-ibig na bukal ng aming lakas at pag-asa.

Ipadala Mo po sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang magawa naming isabuhay ang mga turo at aral na nagmumula sa Iyong Banal na Salita. Tighawin Mo po ang aming pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng mga makamundong bagay. 

Si Hesus ang una at Bugtong Mong Anak, sa pamamagitan Niya ay tinatanggap namin ang misyon ng pagpapatibay at patuloy na pagbuo ng Iyong Simbahang Kanyang Mistikong Katawan. Kasama ng Espiritu Santo, inaangkin namin ang Iyong pagtawag sa aming pang-araw-araw na buhay. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: