Paghahayag sa Pusong Tumatanggi

Gospel Reflection

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
30 Enero 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 03 Pebrero 2013.)


Nang bumalik si Hesus sa sariling bayan, hinarap Niya hindi lang ang Kanyang mga kababayan kundi pati ang Kanyang Sarili. Hinarap Niya ang pagkakakilala sa Kanya ng mga tao roon. Ang nasabing mga tao ang naging saksi kung paano Siyang lumaki. Maaaring ang ilan sa kanila ay nakasama pa Niyang mag-aral sa sinagogang kinaroroonan nila. Ang ilan siguro ay nakalaro pa Niya noong Siya'y musmos pa.

Batid ni Hesus na hindi Siya tatanggapin ng sariling bayan subalit nagpatuloy pa rin Siya sa pagtungo roon. Hindi naging hadlang para sa Kanya ang iisipin ng mga kababayan upang patuloy na ipahayag ang Mabuting Balita. Nangibabaw sa Kanya ang pag-ibig at ang kagustuhang sumunod sa kalooban ng Ama.

Bilang mga binyagang nakikihati sa misyon ni Kristo, madalas nating nararanasan ang mga rejections sa pagpapahayag natin ng Salita ng Diyos. Higit na masakit ang mga rejections na ito kapag nagmumula sa mga taong malapit sa atin-- sa ating mga mahal sa buhay o mga kaibigan.

Noong nagsisimula pa lamang ako sa paglilingkod sa parokya ni San Antonio de Padua sa Malabon, madalas akong tawaging "father" ng mga kapitbahay at ng mga pinsan ko. May mga pagkakataong magugulat na lang ako kapag may lalapit sa 'kin at pabirong magsasabing "father, 'wag n'yo kami kalimutang ipagdasal" o "ipagsimba". O kung hindi man ay may biglang magpupunas sa braso ko at biglang mag-aantanda ng krus.

Sa pagharap natin sa mga tao kapag tayo'y nagpapahayag, kaharap din natin ang ating mga sariling pagkataong tinitimbang ng mga nakikinig sa atin. Maraming hindi maniniwala sa atin dahil sa ating nakaraan o maaaring dahil sa ating mga kinagawiang mga likong gawain. 

Ni-reject ng mga taga-Nazaret ni Hesus dahil kinikilala nila Siyang katulad lamang nila kung hindi man higit na mababa sa kanila. "Hindi ba't ito ang anak ni Jose?" Ni Jose na isa lamang karpintero. Sinabi pa nila, "doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili" dahil itinuturing din nilang makasalanan ang Panginoong Hesus.

Ang mga rejections ay hindi mawawala sa anumang anyo ng paglilingkod. Noon ngang bago ako magsimula ng blog na ito, katakut-takot na agam-agam ang dinaanan ko dahil alam kong marami ang magtataas ng kilay kapag mabasa nila ang mga post ko. And take note, anak lang din ako ng isang karpintero. Hindi ako isang pari o isang katekista. Ang puhunan ko lang ay ang pagnanais kong maranasan ng iba ang pag-ibig ng Diyos na nararanasan ko na ibinahagi din ng mga taong naglakas-loob na magpahayag.

Marami pang pagsubok ang darating sa atin. Marami pang mga anyo ng persecutions. Lagi lang nating isaisip ang mga sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga alagad:

"Kapag kayo'y dinakip nila upang litisin, huwag kayong mababahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sasabihin ninyo ang dapat ninyong sabihin, sapagkat hindi kayo ang magsasalita; ang inyong mga sasabihin ay manggagaling sa Espiritu Santo. (Marcos 13:11)

Bilang mga propeta sa bisa ng ating binyag, tunay ngang higit pa sa ating mga sarili at sa lahat ng pagsubok ang ating inihahayag sapagkat ito ang Salita ng Diyos.  

Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. (Juan 1:1-3)

Panalangin:

O aming Amang makapangayarihan sa lahat, Ikaw na nagsugo sa aming Panginoong Hesus upang ihayag ang Katotohanan, pinupuri, pinaparangalan at sinasamba Ka namin. Kami'y mga lingkod mo. Gamitin mo kami.

Sa kabila ng aming mga kahinaan, itulot Mong malinis kami ng dugong itinigis ng Iyong Bugtong na Anak sa krus. 

Sa pamamagitan ng binyag na aming tinanggap, kami'y isinugo mo upang ipahayag sa buong mundo ang Mabuting Balita ng Kaligtasan. Ipadala Mo po sa amin ang Iyong Espiritung Banal upang magampanan namin ang aming tungkulin sa aming kapwang uhaw sa pag-ibig Mo.

Patatagin mo kami sa kabila ng mga bagyo sa aming mga buhay-- mga problema, mga persekusyon, mga karamdaman. Higit Ka nga pong makapangyarihan kaysa sa mga pagsubok na ito.

At bilang mga tagapakinig ng Salita, tulungan po Ninyo kaming namnamin ang Iyong pag-ibig na ipinapahayag ng aming mga kapatid na tulad din naming makasalanan. Huwag po sanang masayang ang kanilang mga pagsisikap na turuan kami sa kabila ng kanilang mga nakaraan.

Sa Ngalan ni Hesus, iniiwan na namin ang aming lumang mga buhay upang tahakin ang daan patungo sa Iyo. Gabayan nawa kami ng Espiritu Santo ngayon hanggang sa huling hibla ng aming buhay. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: