Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
03 Abril 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 17 Marso 2013.)
Kuwaresma. Mahigit sampung taon na ang nakararaan. Sa isang kubong nasa bakuran ng Parokya ng San Antonio de Padua.
Tensyonado. Punung-puno ng tensyon ang gabing iyon. Kung hindi man para sa ibang tao, at least para sa akin. Kausap ko ang ilang kabataang alam kong may galit sa kanilang mga puso. Sila ang ilan sa mga cast ng Senakulo ng taong iyon. Iisang tao lang ang pinagbubuhusan nila ng kanilang galit.
Ilang araw bago ang gabing iyon, kasama ko sa workshop ang nasabing mga kabataan. Sa nasabi ring workshop, nawala ang isang kuwintas na pag-aari ng isa sa kanilang mga kasama. Sa second floor ng Parish Center na katabi ng nasabing kubo ay naroon ang magnanakaw na kabataan ring tulad nila.
Halos ako lang at ilang staff ng Senakulo ang nakapagitan sa mga kabataang ito at sa magnanakaw. Anumang oras maaaring mabugbog ang magnanakaw. Pinapikit ko ang mga kabataang kasama ko sa kubo. Masuwerte ako at iginagalang nila ako. Masama man ang loob ay pumikit sila.
Hindi ko alam kung paano ko pahuhupain ang kanilang galit. O kung hindi ko man magawa 'yon, at least, kailangan kong mapigil ang gulong anumang oras ay maaaring sumabog.
Lumunok ako ng laway.
"Isang babaeng nahuli sa pangangalunya ang dinala kay Hesus..." ang narinig kong lumabas sa aking bibig. Naroon pa rin ang tensyon. Habang ikinukuwento ko sa kanila ang gospel episode natin ngayong linggo, sa gilid ng utak ko'y naroon ang isang mataimtim na panalangin. In Jesus name, magiging maayos ang lahat.
Natapos ko ang kuwento. Ilan sa kanila'y umiiyak na. Ang iba'y matigas pa rin. Naro'n pa rin ang pinipigil na galit.
"Gagawa-gawa siya ng kalokohan. Tapos gano'n na lang 'yun?!" narinig kong sabi ng isang long-hair na kabataang lalaki.
Tiningnan ko ang lalaki. Nauunawaan ko siya. Lumaki siya sa depressed area. Kung siya nga naman ang nahuli sa gano'ng krimen, kung hindi man siya bugbog-sarado, malamang humihimas na siya ng rehas na bakal.
Sumagot ako, "Sinabi ni Hesus, 'Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.'"
"Kapag pinabayaan natin siya, hindi madadala 'yun!"
Sumagot uli ako, "Sinabi ni Hesus, 'Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.'"
Natapos ang gabing iyon. Walang gulong nangyari sa bakuran ng simbahan. Hinayaan ko munang makauwi ang lahat ng cast bago ko pinalabas ng parish center ang magnanakaw.
Umuwi akong hawak ang papel ng pagsasanglang ibinigay ng kabataang nagnakaw ng kuwintas. Bago ako umuwi ay nagsabi ang isang kaibigan at ang aming direktor na sasagutin nila ang pagtubos sa kuwintas na isinangla sa isang pawnshop.
Tumatak sa akin ang gabing iyon. Kapag may mga pagkakataong hirap akong patawarin ang isang taong nakagawa ng mali sa akin, lagi kong naaalala ang pangyayaring iyon. Lagi ko ring naalala ang sinabi ni Hesus, "Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya."
Ito ang katotohanan: makasalanan tayong lahat. (Roman 3:23)
Kaya walang may karapatang magmalaking banal siya. Tayong lahat ay nangangailangan ng kapatawarang nagmumula sa mapagpalang awa ng Diyos. At bago natin tuluyang makamtan ang ganap na kapatawaran, kailangan nating patawarin ang mga taong nagkasala sa atin.
Hindi ba't lagi nating sinasambit sa Ama Namin-- ang dasal na itinuro ni Hesus sa kanyang mga apostol-- ang mga katagang "patawarin mo kami sa aming mga sala para ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin."
At bilang mga taong nagkasala sa ating kapwa at sa Diyos...
Laging bukas ang mga braso ng Diyos. Naghihintay Siya sa Sakramento ng pagbabalik-loob o pangungumpisal. Handang yumakap sa lahat ng taong nagsisisi.
Sinabi ni Jesus, "Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan."
Panalangin:
Panginoon naming Ama, luwalhatiin Ka ng nagkasalang mundo. Purihin ka sa Iyong kabutihang walang maliw. Pinasasalamatan po namin ang pagkakaloob Mo ng mga taong sa ami'y sumusuporta at nagmamahal.
Lukuban Mo sana kami ng Iyong Banal na Espiritu upang matutunan naming magpatawad at humingi ng tawad. Itali Mo nawa ang aming mga labi upang huwag na itong bumigkas ng mga masasakit na salita ng paghusga. Bigyan Mo po kami ng mga isipang marunong umunawa at mga pusong marunong magpatawad.
Ibigay mo po sa amin ang lakas ng loob upang magawa naming tumahak sa daang patungo sa Iyong mapagpalang awa. Ikaw ang aming lakas. Ikaw ang aming pag-asa. Wala kaming magagawa kung malayo kami sa Iyo.
Taglay ang mabigat na damdaming dulot ng pagsisisi, hinihingi namin ang Iyong kapatawaran. Inaamin po naming kami'y mahina at madaling magupo ng mga tukso.
Sa ngalan ni Hesus, patuloy ka naming sinasamba, kasama ng Espiritu Santo. Ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.