Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
20 Marso 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 03 Marso 2013.)
Breaktime. Sa isang karinderya malapit sa industrial clinic na pinagtatrabahuhan namin. Kumakain kaming mag-asawa kasama ang mga kumare/co-employees namin. Lumapit sa amin ang isang matandang pulubi. Dahil abala ako sa pagkain, hindi ko napansing tumayo ang asawa ko at lumabas ng karinderya.
Pagbalik ng asawa ko'y may dala siyang kamote fries. Nakangiti niyang inabot ang kamote fries sa matandang pulubi. Nagulat kami nang hindi tinanggap ng matanda ang inaabot ni misis. Lalo na nang magalit ito. Pilit nitong itinuturo ang ulam namin. Sabi tuloy ng may-ari ng karinderya, "ayaw daw niya ng kamote. 'Yung isda ang gusto n'ya."
Choosy si Manong, isip-isip ko.
Habang pinagninilayan ko ang ebanghelyo sa linggong ito, hindi ko maiwasang malungkot. Ipinagkaloob ni Hesus ang buhay Niya sa krus. Dahil dito'y maaari na nating kamtin ang kaligtasang ipinagkakaloob Niya. Ang Diyos na mismo ang lumalapit sa atin, tayong tao pang nagkasala ang lumalayo.
Wala itong kuwenta?
Tayo na ang binibigyan ng pagkakataong magkaro'n ng buhay na walang hanggan, tayo pa ang galit dahil ang gusto natin ay materyal na yaman. Bahay at lupa. Maginhawang buhay. Kotse. Hightech na cellphone. Tablet. Ipad. Mabilis na internet. Fashionable na damit. Kung itatala ko dito ang lahat ng gusto ng tao, hindi kakasya sa iisang post.
Maririnig natin sa mga huntahan sa kalsada, sa mga nag-iinuman at sa telebisyon ang sukatan ng tao ng tagumpay. Para matawag kang tagumpay, kailangan daw na mayaman ka. Kailangan ding sikat ka. Makapangyarihan. Minsan, hindi baleng ilegal. Hindi baleng galing sa nakaw. Hindi na baleng maraming nasasagasaan o napeperwisyo.
Sa talinghaga, ang puno ng igos ay hinahanapan ng bunga ng may-ari ng ubasan. Walang nakita ang panginoon at ninais niyang ipaputol na ang puno subalit pinigilan siya ng tagapag-alaga.
"Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol." (Lucas 13:8-9)
Tayo ang puno ng Igos. Ang may-ari ng ubasan ay ang Diyos Ama. Si Hesus ang tagapag-alaga-- Siya ang Salitang bumubusog at dumidilig sa ating kawalan ng bunga.
Hinahanap ng Diyos Ama ang bunga ng kaligtasang ipinagkakaloob ng Kordero ng Diyos. Patuloy tayong binubusog ni Hesus ng Kanyang mga paalala gamit ang mga tao, media at internet bilang mga instrumento. Patuloy Niyang ipinadarama ang Kanyang pagmamahal.
Wala itong kuwenta?
Huwag nating isiping ayos na tayo. Na higit na makasalanan ang mga taong naging biktima ng mga sakuna o ang kapitbahay nating tinamaan ng sakit o ng malaking problema. Dahil sa isip natin ay pinarusahan sila ng Diyos. Dinggin natin ang babala ni Hesus,
"Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat." (Lucas 13:3)
Wala itong kuwenta? Maaari mong isiping walang kuwenta ang post na ito. Na ang Salita ng Diyos ay walang halaga. Na hindi mo Ito kailangan. Inulit ni Hesus:
"Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila." (Lucas 13:5)
Panalangin:
Panginoon naming Diyos Ama, Ikaw na patuloy na nagbibigay sa amin ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa aming mga kasalanan, sambahin Ka at luwalhatiin ang Iyong Banal na Pangalan. Ikaw ang bukal ng lahat ng biyayang kinakamtan namin buhat nang kami'y ipaglihi sa sinapupunan ng aming ina, taos pusong pasasalamat ang ipinaaabot namin sa Iyo.
Taglay ang pusong nagpapakumbaba, kami po'y naninikluhod na hinihingi ang kapatawaran sa lahat ng aming mga kasalanang sinabi, isinaisip, isinapuso at ginawa. Sa tulong ng Iyong Banal na Espiritu, magawa po sana naming mamunga ng kabutihan upang magawa naming sumunod sa halimbawa ng Iyong Bugtong na Anak.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, pagnilayan nawa namin ang aming buhay. Ituwid ang likong landas na aming tinatahak. Mag-u-turn nawa kami patungo sa Iyo. Upang sa susunod, makita mo at ng aming kapwa ang mga bunga ng kaligtasang ipinagkaloob ni Hesus sa aming buhay.
Sa katamis-tamisang pangalan ni Hesus, kasama ng Espiritu Santo. Amen.