Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Genesis 18:20-32
20 Kaya't sinabi ni Yahweh, "Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababa ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila."
22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, "Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!"
26 At sumagot si Yahweh, "Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao."
27 "Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan," wika ni Abraham, "wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. 28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?"
"Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon," tugon ni Yahweh.
29 Nagtanong muli si Abraham, "Kung apatnapu lamang?"
"Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon," tugon sa kanya.
30 "Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?"
Sinagot siya, "Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon."
31 Sinabi pa ni Abraham, "Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?"
"Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon," muling sagot sa kanya.
32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, "Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?"
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 138:1-8
1 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Colosas 2:12-14
12 Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 11:1-13
1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
'Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa'y maghari ka sa amin.
3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.'"
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, "Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, 'Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!' 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, 'Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng iyong kailangan.' 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito.
9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!"
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita